Napapanahon ang bagyong Ondoy para sa naghahangad maupo sa nalalapit na Mayo 2010 Eleksyon. Pagkakataon na nila ito para ipakitang may dalamhati sila para sa mga Pilipinong nasalanta, namatayan, walang tahanan at mga walang makain dulot ng bagyong Ondoy na gumulantang sa ating lahat.
Ano ba naman ang 1 hanggang 2 kilong bigas, ilang de lata, tinapay, kape o asukal na pwedeng ipamahagi sa bawat pamilya? Sa dami ng mga naghahangad sa pwesto, mula sa kagawad ng barangay hanggang sa minimithing pwesto sa Palasyo ng Malacanang, marami ring pamilya ang matutulungan, mapapakain, mabibigyan ng tahanan…at mabibigyan ng pag-asa.
Nakakagastos nga kayo ng milyon-milyong piso para sa advertisements o patalastas at pagpapaimprenta ng naglalakihang tarpaulin ng inyong mga pagmumukha, bakit naman hindi kayo makakapag-abot ng kahit anong tulong sa mga sinasabi nyong “mga minamahal na kababayan?” Para kahit papaano naman, maramdaman namin na may gobyerno at may mga opisyal pala tayo ng pamahalaan na tumutupad sa tungkuling magsilbi sa bayan.
Paramdam kayo! Para naman mabigyang saysay ang aming panahon sa pagboto kahit na madalas, manipulado na ang magiging resulta!
Paramdam kayo! Para naman kahit papano’y maramdaman namin ang aming mga karapatan, hindi lang palaging pabor sa inyong pribilehiyong maupo sa pwesto. Tutal, ano ba naman ang 1 hanggang 2 kilong bigas, ilang de lata, tinapay, kape o asukal sa bawat pamilya eh alam na alam naman nating mansion at iba’t ibang ari-arian sa ibat’ibang panig ng mundo ang magiging kapalit nito.
Paramdam kayo! Para naman kahit sa pamamagitan lang ng 1 hanggang 2 kilong bigas, ilang de lata, tinapay, kape o asukal ay makatikim kami ng katas ng aming pinagpaguran, habang kayo ay nagpapasasa sa isang gabing milyong pisong halaga ng hapunan.
Paramdam kayo! Kailangan kayo ng bayan…KAILANGAN NAMIN KAYO! L
1 comment:
Thank you for wrriting this
Post a Comment